March 20, 2011

Lobo



Meron lang dalawang uri ng bata sa isang birthday party...

Pero parehas silang kakain ng cake. Parehas silang mag lalaro ng Trip to Jerusalem. Parehas din sila papalo sa paso para makakuha ng maraming kendi. Pero higit sa lahat pareho silang mabibigyan ng lobo.

Kung susuwertihin, pwede pa sila pumili. Aba, marami yatang lobo na nakabuhol sa mga upuan. Iba ibang kulay.  Syempre pipiliin ng mga bata kung ano yung paborito nilang kulay. Pagtapos pumili, lalapit ang mga bata sa kanilang mga magulang, ipapabuhol ang lubid ng lobo sa kanilang kamay para hindi ito lumipad. 

Itong isang bata mukhang minalas yata, sa sobrang kaharutan, nakalipad ang lobo ng hindi niya namalayan. Oh eto pa yung isang bata, nakalipad din ang lobo niya. Mukahng naiingit pa yata kaya nakigaya.

Yung isang batang nakigaya, namangha nung lumipad sa langit ang lobo niya, hindi mapatid yung ngiti na parang nagiging ngisi na. Gandang ganda siya sa nakita, kulay pula kasi ang lobong napili niya. Dramatic ang effect ng kulay sa mala scenery na background ng mga ulap. Tatakbo siya sa kanyang mga kalaro at ipagmamalaki ang nangyari.Lalaan ang isang minuto at kukuha siya ng panibagong lobo. Paikot ikot siya pero wala na siyang mahanap na pulang lobo kaya ayun sige yung asul nalang daw, pupwede na yan. Pinabuhol niya ulit sa kanyang kamay pero nakalipad ulit yung lobo, tuwang tuwa ulit yung bata. Aba, nakuha pang mang agaw ng isa pang lobo sa isa sa kanyang mga kalaro. Tsk Tsk Tsk...

Pero yung isang bata medyo kakaiba. Aba humiga pa sa damuhan.  Nakatingala lang siya sa mga ulap, nagaantay. Nung una batid pa sa mga mukha niya ang saya pero ano bayan lagpas na ng 5 minutes wala parin. Palibhasa'y hindi pa nakakatungtong ng Grade 2 kaya hindi pa niya alam kung ano ang gravity. 

Iiyak siya papunta sa kanyang nanay at kahit anung gawin ng lahat, hindi niya tatanggapin ang kahit anong lobong ibibigay sa kanya. Kahit iabot pa ito nung batang may birthday. Pakiwari kasi niya parang babalik ang lobo. Ano nga naman ang gagawin ng lobo sa langit?



Kung tutuusin, ang lobo ang unang pag - ibig ng isang bata. 


At lalaon ang ilang bwan, uuwi ang tito ng bata galing ng ibang bansa at bibigyan siya ng pasalubong na boomerang. Duon nya malalaman na may mga bagay (at tao) na bumabalik. :))